MANGGAGAWA
Ni: Jose Corazon De Jesus
Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamao mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan.....
Bawat patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.
Ang tulang
“Manggagawa” ay aking susuriin batay sa teoryang Humanismo. Ayon kay Ili
(2011), ang teoryang Humanismo ay nagbibigay-halaga sa tao dahil ang tao ang
sentro ng daigdig, ang sukatan ng bagay at panginoon ng kanyang kapalaran.
Ang buong tula
ay nagpapahiwatig ng kagalingan ng isang manggagawa. Sa unang saknong ipinakikita
ang kagalingan nila sa pagpapanday. Ipinapahayag nito ang mahirap na prosesong
kinakaharap ng mangagawa upang makalikha ng bagong kagamitan. Gayunpaman sila
ay dakila dahil dahil bawat patak ng
pawis nila ay may katumbas na bagay na mapapakinabangan ng bawat mamamayan.
Sa ikalawang
saknong mahihinuha ang talento ng manggagawa. Katulad ng unang saknong,
ipinamamalis nito na ang lahat ng bagay na yari ng kaniyang mga kamay at
kanyang ginagawa ay may umuusbong na mga bagay na nakakatulong sa lipunan
ngayon katulad ng katedral, batingaw at salapi. Ang manggagawa din ang
nagpormula sa konsepto ng pamumuhunan na siyang nakapagpabago sa takbo ng buhay
sa kasalukuyan.
Sa ikatlong
saknong ay lalong tumundi ang pagtataas sa manggagawa. Bawat bagay na nagaganap
katulad ng ilaw na kumisap, gusaling
naangat ay iniuugnay sa kanya. Ito ay tanda na lahat ng bagay na tinatamasa
natin ngayon ay dumaan sa mangagawa. At mula pagkasilang hanggang kamatayan
gawa pa rin ng manggagawa ang itinatanghal.
Ang ika-apat at
huling saknong ay tumatalakay na marapat lamang natin purihin at kilalanin ang
mga manggagawa. Sapagkat lahat ng bagay mapa-maliit man o malaki ay masikap
nilang ginagawa kahit ito ay mahirap. Buong puso at lakas nilang binibigay ang
kanilang pinakamainam upang maghatid kasiyahan sa atin. Kaya’t kung mawawala
ang manggagawa ay hihinto sa pag-ikot ang mundo sapgkat sila ang kadahilan kung
bakit ito patuloy na umuusad. Kaya marapat lamang na purihin at dakilain sila.
Sources:
De Jesus, Jose Corazon.Manggagawa. Retrieved on March 4, 2014 from http://mgatulangmanggagawa.blogspot.com/2011/03/manggagawa-ni-jose-corazon-de-jesus.html
Teoryang Humanismo. Retrieved on March 4, 2014 from http://ranieili2028.blogspot.com/2011/12/teoryang-pampanitikan.html
salamat,napakahusay.
TumugonBurahinAno po yung mga simbolismong ginamit sa tula??
TumugonBurahin